Injured | Killed |
---|---|
0 | 1 |
Date: 31 August 2013
Source: Bombo Radyo
CAUAYAN CITY, Isabela – Nabaril at napatay ng mga pulis ang most wanted person sa Santiago City matapos magpaputok at maghagis ng granada nang silbihan ng apat na standing warrant of arrest kaugnay ng mga kasong isinampa laban sa kanya sa korte.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Supt. Robert Bagayan, information officer ng Santiago City Police Office (SCPO), sinabi niya na ang napatay na si McGregory Santiago ay suspek sa pagpaslang kay Barangay Kapitan Rafael Martinez ng Plaridel, Santiago City.
May nauna nang kaso si Santiago nang paghahagis ng granada sa mga pulis na magsisilbi sana ng warrant of arrest sa kanya at nagbunga ng pagkasugat noon ng dalawang pulis.
Ang apat na standing warrant of arrest na isisilbi ng mga kasapi ng SCPO at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kay Santiago ay kaugnay ng mga kinakaharap na kasong multiple frustrated murder, carnapping, robbery with homicide, illegal possession of firearms at paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon kay Supt. Bagayan, nakakuha ng impormasyon ang SCPO na dadaan si Santiago sa Kaquilingan, Cordon Isabela kaya’t agad silang nakipag-ugnayan sa PNP Cordon at inabangan siya sa checkpoint sa nasabing lugar.
Gayunman, nang kanilang parahin si Santiago na lulan ng motorsiklo ay biglang tumakbo upang tumakas.
Sa paghabol sa kanya ng mga pulis ay pinaputukan at hinagisan niya ng granada ang mga operatiba.
Gumanti ang mga pulis at pinaputukan si Santiago na nagbunga ng kanyang kamatayan.
Sinabi ni Bagayan na walang natamaan sa mga pulis sa pagpapaputok at paghahagis ng granada ni Santiago.
Ang bangkay nito ay nakaburol na ngayon sa isang punerarya sa Santiago City.