Injured | Killed |
---|---|
0 | 3 |
Date: 25 January 2013
Source: Phil Star pang Masa
MANILA, Philippines – Hindi napakinabangan ng tatlong holdaper ang kanilang nakulimbat sa mga pasahero ng isang UV Express Van matapos na sila ay mapatay ng mga pulis sa isang engkuwentro kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Ang tatlong nasawing suspek ay inilarawan ng pulisya na ang isa ay nasa pagitan ng edad 25-30; may taas na 5’4”; nakasuot ng itim na t-shirt; asul na short; may tattoo na “Roma,” “Dare Cruz,” at “Bong Anthony” sa buong katawan; ang ikalawa ay may taas na 5’7”, nakasuot ng itim na t-shirt checkered shorts at kulay brown na tsinelas at ang ikatlo ay nakasuot ng itim na t-shirt, itim na shorts at kulay brown na cap, at may mga tattoo na “Eric,” “Dave Greg,” at “Teresita Mercado” sa buong katawan.
Batay sa ulat, bago naganap ang engkuwentro sa kahabaan ng F. Del Mundo St., Brgy.Sauyo, Novaliches dakong alas-11:30 ng gabi ay sumakay ang mga suspek sa UV Express Van (PXL-555) at nagpanggap na mga pasahero.
Habang ang tinatahak ang kahabaan ng Quirino Highway ay nagdeklara ang mga ito ng holdap pagdating sa Seminary Road, Brgy. Bagbag.
Pinagtutukan ng baril ang mga pasahero at kinuha ang mga gamit at pagkatapos ay bumaba sa tapat ng Volvo Motors sa may Brgy. San Bartolome.
Dumulog ang mga biktimang sina Fatima Alog at Cyril Prado sa tanggapan ng Police Station-4 na agad hinabol ang mga suspek at naabutan sa lugar.
Narekober sa lugar ang pitong basyo ng bala, isang kalibre 38 na may apat na bala, at isang kalibre 22 na baril at mga kagamitan na tinangay sa mga biktima.