Injured | Killed |
---|---|
0 | 1 |
Date: 28 June 2013
Source: Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines – Patay ang isang ukay-ukay trader makaraang pagbabarilin ng hindi pa nakilalang armadong salarin sa Brgy. Hall ng Arena Blanco, Zamboanga City nitong Miyerkules ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Wahid Tamsilani, 56, residente ng Brgy. Landang Gua ng nasabing lungsod; nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan na siyang agaran nitong ikinamatay.
Bandang alas-7:30 ng gabi ng maganap ang pamamaril sa biktima sa Arena Blanco ng lungsod.
Sa imbestigasyon, kasalukuyang abala ang biktima sa kaniyang ukay-ukay store sa nasabing lugar ng biglang sumulpot ang armadong lalaki at pagbabarilin ito nang malapitan.
Ang suspek ay mabilis na tumakas patungo sa hindi pa malamang destinasyon matapos na mapatay ang biktima.
Narekober naman ng mga nagrespondeng operatiba ng pulisya sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal.45 pistol.
Kasalukuyan pang iniimbestigahan ang motibo ng krimen kung saan kabilang sa sinisilip na anggulo ang personal na hidwaan at alitan sa negosyo.