Injured | Killed |
---|---|
0 | 1 |
Date: 20 June 2013
Source: Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines – Dahil sa birong tawag na bading o jokla, isang driver ang inutas sa saksak ng kanyang pinsan matapos ang kanilang inuman sa loob ng kanilang bahay sa lungsod Quezon, kahapon ng umaga.
Ayon kay PO2 Rhic Roldan Pittong, imbestigador, nakilala ang nasawi na si Avegel Fabito, 31.
Ayon sa pulisya, hinihintay na lamang umano nilang iturn-over sa kanila ng barangay ang suspect na si Reyster Azores, 21, upang tuluyan nang maisampa ang kaso laban dito.
Nangyari ang insidente malapit sa tinutuluyan ng mag-pinsan sa Florville Extension, Delta Village, Tandang Sora ganap na alas-7 ng umaga.
Ayon kay Mark Villegas, bayaw ng nasawi, alas-5:30 ng umaga ay magkasabay na dumating ang biktima at suspect sa kanilang bahay na may bitbit alak at kapwa nakainom na.
Dito ay pinagpatuloy umano ng dalawa ang pag-inom ng alak at sa kalagitnaan ng inuman ay inaasar na umano ng biktima ang suspect na tinatawag niyang jokla. Sa asar ay padabog na umalis ang suspect at ilang minuto ay sumunod ang biktima.
Ayon naman sa isa pang testigo na si Brian Darollo, 23, naglalakad siya papunta sa kanilang bahay para manghiram ng kariton nang makita niya ang biktima na sinusuntok ang suspect pero duguan na ito.
Mula dito ay nakita umano niya ang suspect na may hawak ng balisong.
Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa suspect.