Injured | Killed |
---|---|
0 | 0 |
Date: 31 August 2013
Source: Bombo Radyo
ILOILO CITY – Dumipensa ang Special Weapons and Tactics (SWAT) team ng Iloilo City Police Office (ICPO) sa reklamo ng isang local AM radio station sa Diversion Road, Mandurriao, Iloilo City na harassment sa kanilang himpilan matapos kanila itong ni-raid noong Linggo ng madaling-araw.
Sa kanilang pagharap sa media, ipinaliwanag ni P/Supt Uldarico Garbansos, commanding officer ng SWAT team na bahagi lamang ng kanilang standard operating procedure (SOP) ang ginawang raid sa himpilan ng Aksyon Radyo kasama na ang pag-usisa sa mga empleyado.
Una rito, humingi ng back-up sa SWAT team ang Mandurriao Police Station kasunod ng nangyaring kaguluhan sa Tuki Resto Bar sa Smallville Complex kung saan lima ang sugatan sa barilan at saksakan.
Hinabol ng mga pulis ang mga sangkot sa gulo hanggang sa umakyat ang mga ito sa kalapit na Carlos Uy Building kung saan naroon ang himpilan ng radyo.
Nang makitang may armadong lalaki sa taas, hindi na sumugod ang mga pulis at doon na nagresponde ang SWAT team.
Ayon sa pulis, bahagi ng kanilang SOP na ituring na hostile o kaaway o suspek ang lahat na tao sa area ng insidente at isinasailalim ang mga ito sa pag-usisa hanggang sa matiyak na ligtas na ang lugar.
Ito aniya ang dahilan kung bakit isinailalim sa pag-usisa ang lahat na mga empleyado ng himpilan ng radyo kahit pa nagpakilala ang mga ito at hinalughog ang kanilang istasyon.
Ayon sa pulis, sinusunod lamang nila ang kanilang SOP para matiyak ang kaligtasan ng lahat.
Itinuturing naman ng himpilan ng radyo na media harassment ang nangyari dahil binalewala ang kanilang pagpakilala bilang mga miyembro ng media at sinipa pa umano ang kanilang gwardya.
Dahil dito nakahanda silang maghain ng kaso laban sa ilang miyembro ng SWAT.