Sutil na anak inutas ng ama

Injured Killed
0 1

Date: 26 June 2013
Source: Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines – Napatay ang sinasabing sutil na anak na babae matapos na tarakan ng patalim sa leeg ng 80-anyos na tatay dahil sa mainitang pagtatalo sa Barangay Pencisa Lamaya, bayan ng Sergio Osmeña Sr. sa Zamboanga del Norte kamakalawa ng hapon.

Kinilala ang nasawi na si Erlinda Calunsag, 36, habang sumuko naman ang suspek na si Mateo Solis, biyudo, na sinamahan sa himpilan ng pulisya ni Chairman Rodolfo Omandam.

Sa police report na nakarating sa Camp Crame, nagkainitan ang matanda at ang manugang nitong si Eddie Calunsag hanggang sa kampihan ng biktima ang asawa kung saan pinagmumura rin ang ama nito.

Ayon kay P/Insp. Jaime Tanola, deputy Officer-in-Charge ng Sergio Osmeña PNP, sinipa ng mag-asawa ang matanda at binato pa ito.

Dito na nagtatakbo ang matanda  subalit hinabol pa rin ng mag-asawang Calunsag para gulpihin.

Sa puntong ito ay binunot ng matanda ang patalim na nakasukbit sa baywang at nang sugurin ng anak na babae ay tinarakan nito sa leeg kung saan sumirit pa ang dugo habang nagawa namang makatakbo palayo ng mister nito.