Injured | Killed |
---|---|
0 | 1 |
Date: 31 January 2013
Source: Phil Star Pang Masa
MANILA, Philippines – Sa loob mismo ng isang mobile patrol ng barangay pinagbabaril ang isang lalaki na suspek sa tangkang panghahalay sa isang dalagita matapos umanong agawan ng baril ang kanyang bantay na pulis kahapon ng madaling-araw sa Malabon City.
Ang suspek na hindi na umabot ng buhay sa Pagamutang Bayan ng Malabon dahil sa tama ng bala sa dibdib, likod at ulo ay kinilalang si Michael Guevarra “alyas Zenki”, 35-anyos, residente ng P. Concepcion St., Barangay Tugatog ng nasabing lungsod.
Ang dalawang pulis na nakabaril at nakapatay sa suspek ay kinilalang sina SPO1 Jerome Peralta at PO3 Michael Angelo Solomon, kapwa nakatalaga sa PCP 4 ng nasabing lungsod at sumuko kay Malabon City Police Chief Sr. Supt. Ferdinand Ampil.
Sa imbestigasyon nina SPO1s Edsel De la Paz at Joel Dela Torre, ng Criminal Investigation Division (CID), dakong alas-12:50 ng madaling-araw nang maganap ang pamamaril sa suspek.
Nabatid na pabalik sa naturang presinto sakay ng barangay mobile patrol, na minamaneho ng tanod na si Joebert Mateo at sakay sina SPO1 Peralta, PO3 Solomon at ang suspek dahil pina-medical nila ito.
Pagdating sa C-4 bridge ay bigla na lamang umanong inagaw ni Guevarra ang baril ni PO3 Solomon, kaya’t nagpambuno ang mga ito hanggang sa pumutok ang baril ng dalawang beses na tumama sa bubong ng mobile patrol.
Dito na bumunot ng baril si SPO1 Peralta at sunud-sunod na pinutukan si Guevarra na tinamaan sa nasabing parte ng katawan.
Lumalabas sa imbestigasyon na bago arestuhin ang suspek ay inireklamo ito ng isang 16-anyos na dalagita na itinago sa pangalang “Joy” nang tangkang panghahalay ng suspek at mga kasama.
Nagsagawa ng follow-up operation ang mga pulis at naaresto ang suspek habang pinaghahanap pa ang ibang kasama nito.
Isa nang standard office procedure sa kapulisan na bago ikulong ang suspek ay kailangan muna itong ipa-medical check-up.