Suspek huli sa pagpatay sa lola at 6-anyos na apo; anak sugatan sa pananaga

Injured Killed
1 2

Date: 31 August 2013
Source: Bombo Radyo

ZAMBOANGA CITY – Kaagad binawian ng buhay ang 58-anyos na lola at anim na taong gulang na apo nito habang sugatan din ang kanyang anak matapos walang awang pinagtataga ng isang lasing na lalaki sa loob ng kanilang bahay sa may Barangay Gabu, Labason Zamboanga del Norte.
 
Nagtamo ng mga grabeng sugat sa ulo at sa iba’t ibang parte ng katawan ang namatay na lola na si Olimpia Palaca Balolot at ang apo nitong si Puljam Palaca Reconalla.
 
Sa panayam ng Bombo Radyo Zamboanga kay S/Insp. Chammer Lacay, ang hepe ng Labason municipal police station, sinabi nito na nangyari ang karumal-dumal na krimen pasado alas-3:00 ng madaling araw habang mahimbing pang natutulog ang pamilya sa loob ng kanilang bahay.
 
Nabatid na una umanong sinunog ng suspek na si Julito Manuang Cadigdig, 24, ang pinto ng bahay ng mga biktima para makapasok sa loob.
 
Target umano ng suspek ang anak ng namatay na lola na kinilalang si Saldy Palaca Balolot, 25, subalit nakatakbo pa ito bagamat sugatan kaya binuhos nito ang kanyang galit sa ina at pamangkin ng nakatakas na biktma.
 
 
Sinabi ng opisyal na lumalabas sa isinagawa nilang imbestigason na matinding selos ng suspek sa anak na namatay na lola ang nag-udyok dito sa nagawang krimen.
 
Napag-alaman ng otoridad na nagtanim ng matinding galit ang suspek kay Saldy nang malaman nito na dating kasintahan nito ang kanyang naging misis.
 
Paniwala ng otoridad, planado ng suspek ang ginawa nitong krimen dahil sa kinikimkim na galit.
 
Nahuli ang suspek sa kanyang pinagtataguan makalipas ang ilang oras sa pakikipagtulungna na rin ng kanyang mismong mga kaanak.
 
Ayon kay Lacay, inihahanda na nila ang mga kasong murder at frustrated murder na isasampa laban sa suspek na ngayon ay naka-detain sa selda ng Labason Police Station. (MRDS)