Suspect sa maguindanao masaker patay sa barilan laban sa pulis

Injured Killed
0 1

Date: 09 February 2013
Source: Remate.ph by Robert Ticzon Feb 9, 2013 1:16pm HKT

NATIGBAK sa pagkasa sa awtoridad ang isang suspect sa 2009 Maguindanao massacre habang ang isa naman ay natiklo sa magkahiwalay na insidente sa Maguindanao nitong nakaraang Biyernes (Pebrero 8).

Sinabi ng mga miyembro ng Philippine National Police’s Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Army’s 1st Mechanized Infantry Battalion, ayaw magpahuli ng buhay ang suspect na si Maguid Amil, 42-anyos, kaya pinagbabaril ito sa Barangay Iginagampong, Datu Unsay, Maguindanao dakong 3:30 ng hapon.

Si Amil ay minsan nang nagsilbing miyembro ng Maguindanao Civilian Volunteer Organization, isang armed group na inorganisa ni dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr., ayon pa sa ulat.

Kinondena sa buong mundo ang Nov. 23, 2009 massacre ng may 58 katao, na ang mahigit sa 30 ay mga miyembro ng Fourth Estate.

Nitong nakaraang Biyernes lamang, pumunta ang mga pulis at sundalo sa bahay ni Amil para arestuhin ito dahil sa pagkakasangkot niya sa masaker.

Imbes sumuko, naghagis ng granada si Amil pero hindi ito pumutok kaya nakipagsapalaran na lang ito at pinaputukan ng kanyang kalibre .45 ang mga humuhuling pulis na gumanti naman ng putok.

Tinamaan ito sa binti at katawan at idineklarang dead on arrival sa Maguindanao provincial hospital.

Samantala, naaresto naman ang pangalawang suspect na si Nasser Guia sa isang pampublikong palengke sa Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao.

Si Guia ay may patong na P250,000 reward ay miyembro rin ito ng Maguindanao CVO.