Injured | Killed |
---|---|
0 | 1 |
Date: 31 March 2013
Source: Bombo Radyo
CAUAYAN CITY, Isabela – Apat katao ang patay sa apat na bayan sa Isabela sa paggunita ng Mahal na Araw dahil sa pagkalunod, pagpapakamatay at pamamaril.
Naitala ang insidente ng pagkalunod sa bayan ng Echague at Cabatuan, Isabela noong Huwebes at Biyernes Santo.
Una rito, nalunod habang naliligo sa Ilog Cagayan ng Barangay Pangal Sur, Echague , Isabela ang biktima na si Vinancio Dumon, 33, residente nabanggit na lugar.
Nalunod din habang naliligo sa malalim na bahagi ng Ilog Magat ang biktima na si Avelino Daliri, 19, tubong Ilagan City at kasalukuyang residente ng Barangay Saranay, Cabatuan, Isabela.
Sinikap pang isalba ang buhay ni Daliri subalit idineklarang dead on arrival makaraang dalhin sa pagamutan.
Nagpakamatay naman si Roman Ramil, 45, residente ng Barangay Burgos, San Guilermo, Isabela, gamit ang nylon cord na itinali sa kanyang leeg.
Natuklasan kahapon ng mga kamag-anak na nakabitin sa isang puno ng kahoy ang naaagnas ng bangkay ni Ramil na hinihinalang nagpakamatay noong Biyernes Santo.
Hinihinalang ang paratang na paghawak sa maselang bahagi ng katawan ng kanyang pamangkin ang dahilan ng pagpapakamatay nito makaraang suntukin ng kanyang bayaw noong Lunes Santo.
Samantala, pinagbabaril naman hanggang mapatay ang isang mag-aaral noong kahapon sa Pigalo Bridge sa Barangay Centro Dos, Angadanan, Isabela.
Sa pagisisiyasat ng PNP Angadanan, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang biktima na si Joem Navarro, 21, residente ng Barangay Aniog at ang mga suspek na sina Alfred Collado, 25; Angelito Reyes, 23; at Romar Marzan, 25, pawang mga residente ng Alicia , Isabela, habang sila’y nag-iinuman sa ilalim ng nasabing tulay.
Nagpositibo naman sa isinagawang paraffin test ang isa sa mga pinaghihinalaan na si Alfredo Collado at nasa pangangalaga na ng PNP Angadanan.