Injured | Killed |
---|---|
1 | 0 |
Date: 22 February 2013
Source: Remate.ph by Rene Manahan Feb 22, 2013 1:33pm HKT
PINANGANGAMBAHAN mabulag ang kaliwang mata ng graduating student na tinamaan ng ligaw na bala habang natutulog sa loob ng kanilang bahay sa Bagong Silang, Caloocan, nitong Martes (Pebrero 19).
Dahil sa kaliwang bahagi ng ulo tumama ang bala at bumaon ay pinangangambahan na tanggalin ang kaliwang mata ni John Kurt Galang, 16.
Base sa ulat, dakong alas-12:45 ng madaling araw, natutulog ang biktima nang biglang makarinig ng malakas na bagay mula sa bubungan hanggang sa makitang duguan ang binatilyo na naging dahilan upang dalhin sa East Avenue Medical Center.
Nakitahan din ng butas ang bubungan ng bahay na dinaanan ng bala mula sa hindi pa kilalang suspek.
Sa imbestigasyon ng mga pulis, nagsalubong ang mga grupo ng Tau Gamma at Batang Balwarte may 100 metro ang layo sa bahay ng mga Galang.
Dalawang magkasunod na putok ang umalingawngaw hanggang magpulasan ang dalawang grupo kung saan nakakuha ang mga pulis ng basyo ng kalibre .45 sa nasabing lugar.
Hihintayin pang makuha ang slug na tumama sa biktima upang maikumpara sa nakuhang basyo.
Hindi naman naniniwala ang mga kaanak ng biktima na may nagrambulan dahil wala umano silang narinig na ingay bago tamaan ng ligaw na bala ang biktima.
Humihingi na rin ng tulong ang ina ng biktima sa pagpapagamot ng kanyang anak.
Samantala, ipinag-utos na ni Caloocan City Mayor Enrico Echiverri sa kapulisan ang masusing imbestigasyon upang matukoy kung sino ang nagpaputok ng baril na tumama ang bala sa biktima.