Sinasabing bodyguard ni Vic Siman Pulis itinumba sa restaurant

Injured Killed
0 1

Date: 18 February 2013
Source: Bombo Radyo

CAMP VICENTE LIM , Laguna, Philippines  – Kamatayan ang sumalubong sa 38-anyos na pulis na sinasabing bata-bata ng suspected jueteng operator na si Vic Siman matapos itong barilin ng riding-in-tandem gunme  sa panibagong karahasang naganap sa Calamba City, Laguna kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni P/Chief Ins­pector Sergio Manacop, PIO officer ng Laguna Provincial Police Office ang biktimang si PO2 Rufino Mendoza ng Brgy. Real, Calamba City at naka-assign sa Calamba City PNP.

Ayon sa report na nakarating sa Laguna PPO, nagmemerienda lang si PO2 Mendoza at ang kanyang ka-live-in sa restaurant sa bahagi ng Barangay Uno, Calamba City nang lapitan at barilin sa batok bandang alas-10:35 ng gabi.

Si PO2 Mendoza ay isinugod pa sa Calamba Medical Center pero namatay din bandang alas-3:10 ng madaling-araw kahapon.

“May mga impormasyon kaming natatanggap na tumatayong bodyguard-security ni Vic Siman itong si PO2 Mendoza pero ina­alam pa namin kung may katotohanan ang mga ito,” ani Manacop.

Sa tala ng pulisya, si Vic Siman ay isa sa mga napatay sa Atimonan noong Enero 6, 2013 na naging dahilan sa pagkakasibak ng matataas na opisyal ng Region 4 police at Laguna PPO.