Injured | Killed |
---|---|
0 | 1 |
Date: 15 April 2013
Source: Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines – Masusing imbestigasyon ang isinasagawa ngayon ng Parañaque City Police laban sa pagkamatay ng isang graduating student ng Asian Institute of Maritime Studies na iniuwing walang buhay sa condo sa naturang lungsod kamakalawa ng Sabado.
Kinukumpirma ng pulisya kung sadyang nahulog sa itaas ng Fountain Breeze Condominium ang 26-anyos na si Kevin Gallardo o nasawi sa hazing base sa hinala ng magulang nito.
Sa ulat ng pulisya, Biyernes ng gabi nang magpaalam si Gallardo sa mga magulang na lalabas kasama ang mga kabarkada. Sabado na ng umaga nang ihatid si Gallardo ng mga kabarkada nito na wala nang buhay.
Ayon sa kabarkada ng biktima na si Cham Caballero, nakipag-inuman ang biktima kasama ang siyam pang kaibigan.
Huli umano nila itong nakita noong Sabado ng umaga nang ihatid sa tinitirhang condominium bldg. sa Lombos Avenue, Sucat, Parañaque City.
Sa record ng pulisya, nalaglag umano sa gusali, marahil sa kalasingan ang biktima na dahilan ng pagkasawi nito.
Wala namang “closed circuit television camera” ang gusali upang makumpirma ang naturang ulat.
Ngunit ayon sa ina ng biktima, may dalawang tama ng saksak ng icepick umano sa likod ang kanyang anak kaya hinihinalang sinadyang patayin o biktima ito ng hazing.
Patuloy namang hinihintay ng mga magulang ng biktma at ng pulsiya ang otopsiya sa bangkay ng biktima na siyang makapagtitiyak sa tunay na sanhi ng kamatayan nito.