Security guard iniimbestigahan sa nangyaring pagdukot sa sanggol sa Pagadian

Injured Killed
0 0

Date: 08 February 2013
Source: Bombo Radyo

ZAMBOANGA CITY – Iniimbestigahan na ngayon ng pulisya ang mga security guard na naka-duty sa subdivision ng Rosario Homes sa Barangay Dao, Pagadian City kung saan mismong nangyari ang pagdukot sa isang taong gulang pa lamang na Filipino-Canadian na sanggol na si Timothy Sokolob kasama ang yaya nitong si Caroline Remetre.

Sa panayam ng Bombo Radyo Zamboanga kay P/Supt. Julius Munez, sinabi nito na lumalabas sa kanilang imbestigasyon na malayang nakapasok ang isang tinted Honda Jazz sa nasabing subdivision na kinanaroroonan ng bahay ng biktima.

Nasa labas umano ng bahay ang yaya kasama ang sanggol kaya nang makatiyempo ang mga suspek ay kaagad pinasakay ang dalawang biktima.

Hindi rin nagawang harangin ng mga security guard ang humaharurot na sasakyan habang papalabas na ito sa nasabing subdivision dala ang kanilang bihag.

Sinabi ni Munez na may dapat panagutin ang mga security guard dahil naging pabaya ang mga ito sa kanilang obligasyon kaya hindi nila napigilan ang insidente.

Samantala, sinabi ni Munez na nagpapatuloy pa rin ang ginagawang Joint PNP-military operation sa Pagadian City at ng lalawigan ng Zamboanga del Sur para ma-rescue sa lalong madaling panahon ang dalawang biktima.

Lubas naman ang pagkabahala ng nanay ng dinukot na sanggol sa kinaroroonan ngayon ng kanyang anak at ng yaya nito.

Napag-alaman na wala ngayon sa Pagadian City ang tatay ng sanggol na isang Canadian national.

Kaugnay nito, malakas pa rin ang paniniwala ni Police Regional Office (PRO-9) director C/Supt. Juanito Vano na makukuha nila ang dalawang biktima sa kamay ng mga suspek. (MRDS)