Sasakyan ng ex-brgy captain at bahay ng anak ng lider ng mangingisda, pinaulanan ng bala

Injured Killed
0 0

Date: 09 May 2013
Source: Bombo Radyo

TUGUEGARAO CITY – Patuloy na iniimbestigahan ng mga otoridad ang nangyaring pamamaril sa bahay ng anak ng presidente ng grupo ng mga magsasaka sa Brgy. Buntun, Tuguegarao City.
 
Inihayag sa Bombo Radyo Tuguegarao ni Brgy. Captain Simeon Dazzun na maghahatinggabi kamakalawa nang paputukan ang bahay ni Ceasar Malillin, anak ni Bonifacio Malillin, presidente ng farmer’s association sa naturang lugar.
 
Ayon kay Dazzun, basag ang bintana ng bahay ng nakababatang Malillin nang barilin ito ng mga hindi pa nakikilalang suspek.
 
Masuwerte namang walang nasugatan sa mga biktima na kasalukuyang mahimbing ang tulog nang mangyari ang insidente.
 
Palaisipan naman sa punong barangay kung ano ang motibo at kung sino ang responsable sa krimen dahil mabait at wala naman umano siyang alam na kaalitan ang naturang pamilya.
 
Napag-alaman na nagulat ang mga biktima nang sunod-sunod na umalingawngaw ang putok ng baril na sinundan ng pagharurot ng isang pick-up at motorsiklo na pinaniniwalaang sinakyan ng mga namaril.
 
Hindi naman mabatid kung anong uri ng baril ang ginamit sa pamamaril dahil walang basyo ng bala na narekober ng mga rumespondeng otoridad sa lugar.
 
Tinitignan naman kung may kaugnayan ito sa pamamaril sa sasakyan ng dating punong barangay ng Carig Sur kamakailan.