Injured | Killed |
---|---|
0 | 1 |
Date: 06 July 2013
Source: Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines – Dahil sa umano’y bintang na nababaliw, pinatay sa sakal ng isang mister ang kanyang asawa sa loob mismo ng comfort room ng isang gas station sa Quezon City kahapon
Si Amy Montero ay naabutan na lamang walang buhay ng dalawang concerned citizen dahil sa pananakal ng kanyang mister, ayon kay PO2 George Caculba, imbestigador.
Kinilala ni Caculba ang suspect na mister na si Ronnie Montero, 40, ng Kasiyahan St., Brgy. Holy Spirit, Quezon City. Siya ay agad ding naaresto matapos ang nasabing insidente.
Sa imbestigasyon, nangyari ang insidente ganap na alas-12:35 ng madaling-araw sa PTT Gasoline Station, Regalado Avenue sa nasabing lungsod.
Ayon sa saksing si Cesar Lopez, pinsan ng suspek, magkakasama sila ng biktima at ng suspek sakay sa isang sasakyan galing Dagupan kung saan nakaburol ang ama ng suspek at papunta sana sila sa Camarin, Caloocan nang huminto sila sa gas station upang magpakarga ng gasolina.
Pagsapit sa lugar ay bumaba ang suspek at nagsabing sasamahan nito ang kanyang asawa sa loob ng palikuran ng gas station. Makalipas ang ilang minuto, sabi ni Lopez, nakarinig umano siya ng malakas na sigaw at pag-iyak ng biktima na tila humihingi ng saklolo.
Eksakto namang napadaan sa lugar ang isang taxi na minamaneho ni Joel Briones, at agad na hiningan ng tulong ng gasoline boy. Agad namang bumaba si Briones at sa tulong na rin ni Lopez ay sinubukan nilang buksan ang pintuan ng palikuran pero nakakandado ito.
Agad nilang hiningi ang susi nito sa cashier, pero hindi pa nila nakukuha ay lumabas na mula sa palikuran ang suspect at nagmamadaling tumatakbo papalayo.
Mabilis namang pinuntahan ng dalawa ang palikuran kung saan bumulaga sa kanilang harapan ang nakahandusay na katawan ng biktima.
Kasunod nito, mabilis na hinabol ni Briones ang suspek sabay sigaw ng “Holdaper yan!” na tumawag nang pansin sa mga taong dumadaan sa lugar.
Tiyempo namang nasa lugar sina SPO1 Salameda, PO2 Sese at PO1 Sibayan ng Quezon City Police District (QCPD) Police Station 5 sakay sa isang mobile patrol at napansin ang kaguluhan dahilan upang habulin nila ang suspect at makorner sa tapat ng Gani’s Grill.
Lumalabas pa sa imbestigasyon na posibleng nagalit ang suspect sa misis makaraang malaman nito na ipapasuri siya (suspect) sa isang mental institution.
Nakapiit ngayon ang suspect sa QCPD Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) para sa pagsisiyasat.(Ma. Juneah Del Valle-trainee)