Injured | Killed |
---|---|
0 | 0 |
Date: 10 October 2013
Source: Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines – Nabiktima ng ‘basag salamin gang’ ang actor/TV host na si Robi Domingo kung saan natangay ang kanyang mga gamit na nasa loob ng sasakyan sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Ayon sa pulisya ang insidente ay ipinabatid sa kanilang tanggapan ni Domingo, 24, pasado alas-11 ng gabi makaraang matuklasan ang pagnanakaw ng kanyang mga gamit sa loob ng kanyang Toyota Fortuner (ROB-127).
Naganap ang insidente sa pagitan ng alas-6 hanggang alas-11 ng gabi sa may Scout Rallos St., corner Scout Tuazon St., Brgy. Laging Handa.
Si Robi Domingo o Robert Marion Domingo sa tunay na buhay, isang actor, model, VJ at TV host ng ABS-CBN network ay nagpunta sa naturang lugar sakay ng kanyang Fortuner at ipinarada niya ang sasakyan dito bago nagtungo sa Events place, para dumalo umano sa birthday party ng kanyang handler.
Ilang oras ang lumipas, pagkabalik umano ni Domingo sa lugar ay nadiskubre na lang nito na ang backlight mula sa passenger window ay sira at nawawala na rin ang kanyang gamit.
Partikular na natangay kay Robi ang isang samsonite backpack (P5,000) na naglalaman ng isang Apple ipod P12,000; isang blackberry (P10,000), BPI/Petron credit cards, at Beats headphone (P18,000). Hindi naman kinuha ng mga suspect ang damit na nasa loob ng naturang sasakyan.