Rob-carnap gang member timbog

Injured Killed
0 0

Date: 16 November 2013
Source: Journal Online

CALAMBA City, Laguna — Patay ang kilabot na leader ng “Mamalayan Group” na may serye ng mga kasong robbery/carnapping habang sugatan ang kasamahan nito sa engkuwentrong naganap sa Bgy. Burol, lungsod na ito, Huwebes ng hapon.

Kinilala ni provincial police director Senior Supt. Pascual Munoz Jr. ang napatay na leader na si Charlie Mamalayan. 

Si Mamalayan ay namatay sa mismong pinangyarihan ng barilan dahil sa tinamong tama ng mga bala sa kanyang katawan.

Sugatan naman si Joel Isiderio, miyembro ng grupo, na nagtamo ng dalawang tama ng bala sa hita at kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa JP Rizal District Hospital lungsod na ito. Ang dalawa ay kapwa residente sa nasabing lugar.

Sa report na ipinadala ni Supt. Marvin Saro, hepe ng Calamba City police, kay Senior Supt. Munoz Jr., ang enkwentro ay naganap dakong alas-4:45 ng hapon habang naghahain ng warrant of arrest ang mga kagawad ng pulisya dahil sa iba’t ibang kasong kinasasangkutan ni Mamalayan, bukod sa kaso sa droga. 

Nabatid na habang papalapit ang pulisya sa lugar ay natunugan ng mga suspek kung kaya’t mabilis tumakas ang mga ito sakay sa isang motorsiklo. 

Pinutukan ng mga suspek ang kapulisan na agad gumanti hanggang sa bumangga ang motorsiklo ng mga suspek sa isang Toyota Avanza.

Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang kalibre .45 na pag-aari ng mga suspek at ang itim na Mio motorcycle na gamit sa kanilang pagtakas.                     

With Zaida delos Reyes-Palanca