Residential area sa Batasan, hinagisan ng granada

Injured Killed
0 0

Date: 26 October 2013
Source: DZMM Radyo Patrol

Nataranta ang mga residente sa Sapphire Street, Batasan, Quezon City matapos madiskubre ang inihagis na granada sa kanilang lugar bandang alas-10:00 Miyerkules ng gabi.

Ayon kay Herson Tubongkison, residente, nanonood siya ng telebisyon nang makarinig ng lumagapak na bagay mula sa kisame ng kapitbahay.

Natagpuan ang itim na bagay na may nakapulupot na tape.

Agad namang nakaresponde ang Quezon City Police District-Explosives and Ordnance Division (QCPD-EOD) at inalis ang granada.

Ayon kay Police Inspector Noel Velasquez, “Nung makita namin may tape, delikado talaga kapag nakalas ‘yun… ‘Yung nambato nito, alam niya granada ‘yun pero hindi niya alam kung paano gamitin.”

Tantsa niya, aabot sa 50 metro paikot ang maaapektuhan sakaling sumabog ang granada. Posible rin anyang marami ang mamatay. 

Hinala naman ng mga taga-Sapphire, nag-ugat sa away-kalye ang insidente.

Miyerkules ng madaling araw nang magkaroon ng gulo sa lugar. Inihagis naman ang granada kagabi habang nag-iinuman ang isang grupo.

Ayon sa awtoridad, ang ganitong klaseng granada ay hindi basta-basta nabibili. Maaaring may kaanak na militar ang naghagis na nagsuplay nito o nakaw iyon. Report from Jacque Manabat, ABS-CBN News and Zandro Ochona, Radyo Patrol