Recording artist at driver sugatan sa holdap sa Mandaluyong, pulis inabot ng 4 oras bago mag responde.

Injured Killed
2 0

Date: 19 February 2013
Source: Abs-cbn dzmm dennis datu feb 19, 1013

(UPDATE) Sugatan ang isang singer ng Viva Records matapos holdapin pagka-withdraw sa ATM sa Libertad Street, Mandaluyong City kaninang madaling araw.

Ayon kay Joel Mendoza, kawi-withdraw lang niya ng P20,000 bandang alas-4:00 nang harangin ng dalawang holdaper at tangayin ang sobre ng pera.


Hiningi pa anya ng mga suspek ang kanyang wallet pero nang dudukutin na niya ito ay bigla siyang pinukpok ng baril sa ulo at tinutukan.


“Bago ko po nadukot sa bulsa ko [‘yung wallet], pinagpupukpok na po ako ng baril, tatlong beses po. Babarilin na po ako talaga e dinambahan ho ng driver ko.”


Nanlaban anya ang kanyang driver kaya tumalsik ang baril ng suspek. Pero ito naman ang pinag-initan at tinutukan ng baril hanggang sa masipa niya ang armas ng mga holdaper.


Pagpulot ng baril, agad na ring tumakas ang dalawang suspek sakay ng motorsiklo.


Sinabi ni Mendoza na duguan siya kanina pero walang sumaklolo sa kanila kahit may mga tricycle driver sa lugar. 


May ilan anyang residente ang nagmagandang-loob matapos ang holdapan kaya naitakbo siya sa ospital at natahi ang mga sugat sa ulo.


Hinanakit naman ni Mendoza, inabot ng apat na oras bago rumesponde ang mga pulis.


“Nagpatawag po ako ng mga pulis, apat na oras po bago nag-responde. Tumawag po ako sa kaibigan kong si Col. Edwin Rey Putakan… e nasa Baguio po. Tumatawag po siya sabi daw po maraming ginagawa. Dinala po ako ng alas-4:00, alas-8:30 lang po ako napuntahan ng mga pulis.”


Namukhaan naman anya ng kanyang driver ang mga holdaper na tinatayang kapwa nasa 25-anyos ang edad. 


Stable naman na ang kalagayan ni Mendoza sa Potenciano Memorial Hospital. Report from Dennis Datu, Radyo Patrol 42