Injured | Killed |
---|---|
0 | 1 |
Date: 04 June 2010
Source: http://www.abante.com.ph/issue/june0410/crimes03.htm
Purok leader, pinakain ng bala
(Alvin Madan)
Tumimbuwang sa loob ng restaurant ang isang purok leader matapos pagbabarilin habang kumakain sa Caloocan City kahapon.
Naglulupasay hanggang sa malagutan ng hininga sanhi ng tinamong tama ng bala sa katawan at mukha si Francisco Sarmiento Jr., 46, may-asawa, ng Block 3, Lot 4, Isaias St., Brgy. 177, Camarin, Caloocan City.
Patuloy namang nagsasagawa ng follow up operation ang mga elemento ng Caloocan Police upang masakote at matukoy ang pagkakakilanlan ng nakapugang suspek.
Sa ulat ni PO3 Allan Budios, ng Station Investigation and Detective Management Branch ng Caloocan-PNP, ganap na alas-11:00 ng umaga nang maganap ang pamamaril sa loob ng Cora’s Canteen sa may Genesis St., Brgy. 177.
Sa report, nananghalian ang biktima sa restaurant nang bigla na lamang lapitan ng suspek at pinaputukan.
Di pa nakuntento ang gunman sa noo’y naghihingalong si Sarmiento, muli pa niya itong nilapitan at binaril sa mukha sa pagtitiyak na hindi na ito mabubuhay pa bago nagmamadaling umalis.
Sinisilip na anggulo sa krimen ang pagiging purok leader ni Sarmiento.