Injured | Killed |
---|---|
0 | 1 |
Date: 21 October 2013
Source: Bombo Radyo
NAGA CITY – Hinihintay na lamang ngayon ang resulta ng otopsiya sa bangkay ng misis na pinaniniwalaang hinalay bago pa man pinatay sa bayan ng Lagonoy sa lalawigan ng Camarines Sur.
Habang ayon kay PO3 Rolly Medran sa panayam ng Bombo Radyo Naga, nagpapatuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa pamilya ng biktima na si Myrna Buenaflor y Briones sa Barangay Panagan.
Napag-alaman na bago natagpuan ang bangkay ng biktima kasama pa nito ang kanyang anak na babae papunta sana sa kanilang taniman ng kamote.
Ngunit nauna umano ng 30 metro ang anak nitong 14-anyos matapos na alalayan pa ng biktima ang kasama nitong aso sa pagtawid ng ilog.
Halos 40 minuto na ang nakakalipas nang hindi pa rin nakakarating ang misis sa kanilang taniman kung saan nauna na ang kanyang anak.
Kaya agad na binalikan ng dalagita ang dinaanan nilang mag-ina at doon unang nakita ang pares na tsinelas ng kanyang ina sa may itaas na bahagi ng bundok.
Sinuyod ng dalagita ang lugar at tumambad sa kanya ang bangkay ng ina na wala ng saplot na pang-ibaba at tadtad ng saksak.
Sa pag-imbestiga ng pulisya, bago aniya nakarating sa taniman ang bata may nakita itong isang lalaking namimingwit sa nasabing ilog bago na dinaanan nilang mag-ina.
Sa ngayon, sinusubukan nilang kausapin ang bata upang mailarawan ang lalaking nakita sa ilog na pwedeng siyang may kagagawan sa pangyayari.
Ngunit hindi pa rin ito makausap dahil sa takot at trauma na nararanasan.
Napag-alaman na liblib ang pinangyarihan ng lugar kung saan wala umanong masyadong mga bahay at kinailangan pang mamangka ng mga otoridad bago makarating sa lugar dahil na rin sa maputik na daan na hindi madaanan ng sasakyan.