Pulis patay sa ambush sa Zamboanga

Injured Killed
0 1

Date: 04 July 2013
Source: Bombo Radyo

ZAMBOANGA CITY – Isa na namang miyembro ng PNP ang namatay sa insidente ng pamamaril na may kaugnayan sa away ng dalawang pamilya sa Zamboanga City pasado alas-11:00 ng umaga kanina.
 
Sa report ng pulisya, nakasakay sa kanyang motorsiklo ang nasawing pulis na si PO2 Hussin Musin sa may Raja Muda Mandi St., Barangay Campo Islam nang tambangan ng hindi nakilalang riding-in-tandem gunmen.
 
Nabatid na una siyang binaril ng tatlong beses ng suspek at nang mahulog na ito sa kanyang motorsiklo ay saka  inubos ng suspek ang ilang rounds ng bala mula sa caliber .45 pistol.
 
Patay na nang dumating sa ospital ang biktima dahil sa dami ng mga tama ng bala na tinamo nito sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.
 
Sinuspinde rin ang klase ng isang paaralan na malapit mismo sa lugar ng pamamaril dahil sa tensyon na idinulot ng insidente sa mga estudyante at mga magulang.
 
Batay sa inisyal na report ng mga otoridad, may kaugnayan pa rin sa family feud o rido sa pagitan ng dalawang magkaaway na pamilya sa lugar ang pagpaslang sa biktima.
 
Maaalala na nito lamang nakaraang araw, isa ring pulis ang pinatay habang nasa isang mosque sa hindi kalayuan sa nasabing ding lugar.
 
Sa ngayon ay naghahanap na ng paraan ang mga otoridad para mapigilan na lumalang problema ng nasabing dalawang pamilya na maaaring humantong sa iba pang mga insidente ng pamamaril. (MRDS)