Pulis at isang pasahero sa jeepney, patay sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Pasay

Injured Killed
0 2

Date: 03 December 2013
Source: GMA News

Isang nagpapatrolyang pulis at isang lalaki na pasahero sa jeepney ang patay sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa lungsod ng Pasay na halos ilang oras lang ang pagitan.

Dakong 11:00 p.m. nitong Lunes nang barilin ng suspek na nakasakay sa motorsiklo ang biktimang si Richard Carasco, 32-anyos, na pababa na sana sa sinasakyang pampasaherong jeepney sa Arnais Avenue cor. Libertad, Pasay city.

Isang tama ng bala sa pisngi ang tumapos sa buhay ng biktima. Nasugatan din sa paa ang isang babaeng pasahero, ayon sa ulat ni GMA reporter Hadjie Rieta sa “Balitanghali” nitong Martes.

“Narinig ko lang po para, huminto ako,” kuwento ng drayber ng jeepney na si Anaceto Pallemo.

“Tapos naano ko may nakaano na motor, akala ko kung ano lang, narinig ko putok na,” dagdag niya.

Sa takot, napatalon sa kaniyang jeep si Pallemo para humingi ng tulong. Naiwan namang nakalugmok ang duguang katawan ng biktima sa loob ng jeepney.

Walang namang maisip na suspek ang nanay-nanayan ng biktima pero aminado siyang may kakulitan ito kapag nalalasing.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga pulis ang kaso para matukoy ang motoibo ng pamamaslang.



Pulis, naibulong ang pumatay sa kanya

Ilang oras matapos ang pagpatay kay Carasco, pinagbabaril din at napatay ang pulis na si SPO1 Jesus Tizon, na nagpapatrolya sa Malibay, Pasay.

Ayon kay SPO1 Genomar Geraldino, nagpapatrolya si Tizon kasama ang ilan pang pulis dakong 1:30 a.m. niyong Martes. Napahiwalay umano ang biktima sa grupo at pumasok sa isang eskinita.

Ilang saglit pa, nakarinig na ng mga putok ng baril ang mga kasamahang pulis ni Tizon at nakita nilang duguan na ang biktima.

Nagtamo ng limang tama ng bala si Tizon at dead on arrival na nang isugod sa ospital.

Pero bago malagutan ng hininga, naibulong daw ni Tizon kung sino ang bumaril sa kaniya na isa suspek na nasangkot na umano noon sa pagtutulak ng iligal na droga.

Sa isinagawang follow-up operation ng mga pulis, sinalakay nila ang bahay ng tinukoy na suspek. Bagaman hindi na nila ito inabutan sa bahay, ilang kalibre naman ng baril at ilang sachet na hinihinalang may shabu ang nakumpiska ng mga pulis.– FRJimenez, GMA News