Pinatay sa metro ng tubig

Injured Killed
0 1

Date: 27 April 2013
Source: http://www.abante-tonite.com/issue/apr2713/crime_story05.htm

 

Patay ang isang lalaki matapos siyang pagsasaksakin ng kanyang kapitbahay na nagalit nang isara ng biktima ang metro na pinanggagalingan ng pareho nilang ginagamit na tubig sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Caloocan City Police Station, ganap na alas-11:30 ng gabi nang lumabas ang biktimang si Romeo Lucanan, 38, upang isara ang metro ng tubig sa labas ng kanilang bahay na matatagpuan sa Phase 8-A, Package 7, Bagong Bagsak, Bagong Silang ng nasabing lungsod.

Dito nagalit ang suspek na kinilalang si Michael Beato, 30, at agad na pinuntahan ang biktima na nagkataong hindi pa nakakapasok sa kanyang bahay.

Kinompronta ni Beato si Lucanan hanggang sa magkapalitan sila ng maaanghang na salita na humantong sa pagkakaungkat ng kanilang mga nakaraang awayan.

Maya-maya biglang inundayan na lamang ng saksak ni Beato si Lucanan na tinamaan sa kanyang kaliwang dibdib at batok.

Agad na isinugod ng iba pang residente ang biktima sa Dr. Jose N. Rodriguez Hospital subalit idineklara umano ni Dr. Raul Saludsong na wala nang buhay ilang sandali pa lamang nang makarating sa nasabing pagamutan.

Tinangka namang tumakas ng suspek ngunit nahuli siya ng mga barangay tanod at isinuko sa istasyon ng pulisya.