PDEA spokesman sa Cebu at ex-anchorman na patay sa ambus, ililibing ngayong araw

Injured Killed
0 1

Date: 29 September 2013
Source: Bombo Radyo

CEBU CITY – Nakatakdang ihatid ngayong araw sa kanyang huling hantungan ang labi ng dating Bombo Radyo anchorman at dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-7) spokesman na si Jessie Tabanao matapos itong binaril noong Setyembre 14 sa Escario St., Cebu City.
 
Napag-alaman na unang napagpasyahan na ilibing sa lungsod ng Cebu ang labi ni Tabanao ngunit nagdesisyon ang asawa nito na si Katrina at ilang kaanak na dalhin na lamang ito sa bayan ng Moalboal dahil sa naroon ang angkan nito.
 
Ibinurol ang bangkay ni Tabanao sa St. Peter’s Funeral Homes sa Barangay Imus sa loob ng ilang araw bago ito dinala sa Moalboal noong Setyembre 18.
 
Una rito, nakidalamhati rin ang mga mamamahayag matapos ang malagim na sinapit ni Tabanao.
 
Inaasahan naman ang pagdalo ng ilang kagawad ng pulisya, grupo ng media, at mga kaibigan sa libing ni Tabanao.
 
Samantala, patuloy pa rin naman ang Special Investigation Task Group Tabanao sa pangangalap ng mga ebidensiya at impormasyon upang matukoy at mahuli ang gunman sa pagpatay sa dating tagapagsalita ng PDEA sa lalawigan.