PAWNSHOP SA CAVITE MINARTILYO RIN!

Injured Killed
0 0

Date: 28 January 2013
Source: Abante tonite online Ni Rossel Calderon

Isang pawnshop sa Cavite City ang sinalakay din ng mga hinihinalang miyembro ng Martilyo Gang kung saan kinulimbat ang hindi pa mabatid na halaga ng mga alahas na naka-display sa estante para isubasta sana, labinlimang minuto bago magtanghali kahapon.


Labis na ikinagulat ng may-ari ng pawnshop at ng mga empleyado nito ang pagpasok ng tatlong kalalakihan na mga armado ng martilyo at hindi nabatid na kalibre ng baril dakong alas-11:45 ng umaga.


Napag-alaman na isang tawag mula sa may-ari ng pawnshop na kinilalang si Rizalina Cruz y Montano, 48, ang natanggap ng Cavi­te City Police hinggil sa pag-atake ng mga hinihinalang miyembro ng Martilyo Gang sa Saint Anthony Pawnshop na pag-aari ng biktima at matatagpuan sa P. Burgos Avenue, San Roque, Cavite City, na walking distance lamang ang layo mula sa istasyon ng pulisya.


Base sa salaysay ng biktima, kasalukuyan umano silang kumakain ng kanyang mga emple­yado nang umatake ang tatlong ‘di nakilalang mga suspek na armado ng martilyo at ‘di nabatid na kalibre ng baril.
Agad umanong binasag ng mga suspek ang estante na kinalalagyan ng mga alahas at bago tuluyang tumakas bitbit ang mga nakulimbat ay nagpaputok pa ng baril ang mga ito.


Huling namataan na patungong public market sakay ng Honda motorcycle ang mga suspek bago tuluyang nawala sa pa­ningin ng mga nakasaksi.


Nakuha naman sa pinangyarihan ng insidente ang ilang pirasong basyo ng bala mula sa baril na kalibre .45 na ipinutok ng mga suspek bago tumakas.