Injured | Killed |
---|---|
0 | 0 |
Date: 22 February 2013
Source: Remate.ph feb 22, 2013
TINUTUGIS ngayon ng Manila Police District (MPD) ang isang lalaking nakauniporme ng pulis na nangholdap sa isang estudaynte at isang delivery boy sa magkahiwalay na lugar sa Malate, Maynila.
Personal na dumulog ngayon sa tanggapan ng MPD-General Assignment Section (GAS) ang biktima na sina Victor Miranda, Jr, estudyante ng San Miguel Village, Makati City; at Bonie Enero, 26, delivery boy.
Sa report ng MPD-GAS, dakong alas-5:00 ng umaga kahapon nang naganap ang unang insidente sa Remedios St., habang alas-2:00 kaninang madaling araw sa Leon Guinto St., ang pangalawang insidente, pawang sa Malate, Maynila.
Sa salaysay ni Miranda, dakong 5:00 ng umaga nang lapitan umano siya ng pulis na nakasuot ng uniporme at jacket na itim, sinita at kinapkapan siya at kinargahan pa ng shabu.
Kinuha rin umano ng pulis ang kanyang P10,000 cash at IPhone bago umalis.
Napag-alaman naman ni Miranda sa pangalang “Santos” ang umano’y pulis nang mahagip ang name plate nito nang lumihis ang suot na jacket nito.
Sa pahayag naman ni Enero, dakong 2:00 ng madaling araw nang sitahin at kapkapan siya ng pulis sa may Leon Guinto St. habang naglalakad pauwi.
Kinuha umano ng nagpakilalang pulis ang kanyang cellphone at P800 cash.
Patuloy ang follow up operation ng pulisya para matukoy kung sino ang nasabing pulis.