Pagpapatakas sa druglord lumilinaw

Injured Killed
0 0

Date: 22 February 2013
Source: Bombo radyo feb 22, 2013

(Update) Nakatakdang iharap sa mga mamamahayag ngayong araw ang nahuling apat na mga suspek sa pag-rescue ng sindikato sa tatlong inmates na Chinese nationals na sangkot sa illegal drugs habang patungo sa Trece Martires Regional Trial Court (RTC) mula sa Cavite Provincial Jail.

Ayon kay P/Supt Romeo Desiderio, public information officer ng Cavite-PNP, natukoy ang mga suspek base sa mga ebidensiyang nakuha sa narekober na getaway vehicle sa Tanza, Cavite na ginamit sa pagpatakas kina Li Lan Yan (alyas Jackson Dy), Wang Li Na at Li Tian Hua habang patungo sa Trece Martires Regional Trial Court (RTC) mula sa Cavite Provincial Jail.

Sa paunang imbestigasyon, nakipag-ugnayan umano si Dy at nagbayad ng malaking halaga sa isang armed group para sila ay itakas.

Sinabi naman ni Region 4-A regional police director C/Supt. Benito Estipona unti-unti nang lumilinaw ang kaso bagamat tumanggi muna itong magbigay ng anumang assessment.

Giit lamang nito na nagpapatuloy ang kanilang malalimang imbestigasyon hinggil sa kaso.

Lumalabas din sa kanilang imbestigasyon ang pagbayad ng P50 million sa sindikato na tumangay sa tatlong mga drug lords.

Nasa Cavite PNP ngayon ang apat na naarestong suspek at sumasailalim sa tactical interrogation.

Ayon sa heneral sa apat na nahuling suspek isa rito ay miyembro ng pulis at barangay captain ng Bayang Luma 4 ng Imus, Cavite na nakilalang si Leofino Fontanilla.