P700,000 natangay ng mga holdaper sa mag-asawa na galing bangko

Injured Killed
0 0

Date: 24 January 2013
Source: Bombo radyo

NAGA CITY – Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ngayon ng mga otoridad sa nangyaring panghoholdap sa mag-asawa sa Baao, Camarines Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PO3 Tom Contreras, nakilala ang mga biktima na sina Welby at Eula Bisana ng Iriga City.

Pauwi na sana ang mga biktima matapos mag-withdraw sa Land Bank sa lungsod ng Naga nang biglang parahin ng dalawang lalaki ang sinasakyan nilang pampasaherong jeep.

Tinutukan umano ng mga ito ng baril ang driver ng jeep at saka pwersahang kinuha sa mag-asawa ang pera na nagkakahalaga ng P796,000 at agad na tumakas lulan ng isang motorsiklo.

Paniwala ng mga otoridad, matagal nang minamanmanan ng mga suspek ang dalawa lalo pa’t ito na ang pangatlong beses na kumuha ng ganoon kalaking halaga ang dalawa sa bangko.

Nabatid na pag-aari ng kapatid ni Eula na nagtatrabaho sa Qatar ang pera at ipinagkatiwala lamang dito upang ipambayad sana sa ipinapagawang bahay.