Opisyal, tauhan ng komisyon mistulang hinostage: Tensyon sumiklab sa Pasay Comelec

Injured Killed
0 0

Date: 30 July 2013
Source: Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines – Namamayani ngayon ang matinding tensyon sa Pasay City Commission on Elections Office makaraang mistulang i-hostage ng mga sinasabing barangay chairman at kagawad ang mga opisyales at tauhan ng Comelec sa kanilang opisina nang magkagulo noong nakaraang Sabado.

Sa panayam ng PSN, sinabi ni Comelec Election Officer 4 Atty. Frances Aguinda­dao, na nag-umpisa ang tensyon ng isang lider na nagpakilalang Reynaldo Benitez ang nagpumilit na unahin na ipa­re­histro ang kanyang mga hinakot na kabarangay at igi­niit na magsagawa ng eks­tensyon hanggang alas-8 ng gabi. Sinabi nito na tinangka pa siyang suntukin ng nagpakilalang si Benitez.

Iginiit ni Aguindadao na hanggang alas-5 lamang talaga ang kanilang “office hours” dahil sa isinusumite pa nila sa Comelec Main Office sa Intramuros ang mga dokumento ng mga naparehistro nila hanggang alas-7 ng gabi.  

Dito na nag-umpisang magwala ang mga barangay chairman, kagawad at mga lider kung saan napuwersang magkulong sa loob ng opisina sina Aguindadao at mga tauhan habang pinagkakalampag naman ng mga nagwawalang tao ang pinto at bintana ng tanggapan.

Natigil lamang ang kaguluhan nang rumesponde ang mga pulis ngunit walang naaresto.

Sa kasalukuyan, bantay-sarado si Aguindadao at ang Comelec Office ng mga tauhan ng City Anti-Drug Abuse Council na siyang ipinadala bilang seguridad ng Pasay City Hall habang nakaantabay naman ang Pasay Police.  Sinabi ni Aguindadao na nangangamba siya ngayon sa kanyang seguridad dahil sa maaaring anumang oras ay tusukin siya ng patalim ng mga pakawala ng mga nakatalo niyang barangay leaders.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:

Sa kabila nito, haharapin umano niya ang posibleng pagsasampa ng kaso sa mga barangay leaders pagkatapos na ng rehistrasyon.  Ibinulgar rin nito na bukod sa lantarang paghahakot ng mga ipaparehistro, nakakumpiska na rin ang Pasay Comelec ng mga pekeng police clearance at postal IDs na ginagamit ng mga “requirements” ng mga nais makalusot sa pagpaparehistro.