Opisyal ng PNP, inireklamo ng pambubugbog

Injured Killed
1 0

Date: 07 February 2013
Source: Remate.ph by Rene CrisostomoFeb 6, 2013 1:52pm HKT

NAGSAMPA ng reklamo ang isa sa mga tauhan ng demolition team ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa isang mataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) nakatalaga sa Police Regional Office 4  (PRO4), matapos umano nitong bugbugin at dakpin, dahil sa umano’y paggiba ng kanyang tindahan sa ilalim ng tulay ng Nagtahan sa Sta.Mesa, Manila kamakalawa.

Dahil dito, bumagsak sa tanggapan ng Manila Police District-General Assignment Investigation Section (MPD-GAIS) dahil sa kasong obstruction of justice na isinampa laban kay P/Sr.Insp. Ernesto Garcia, residente ng 1512 Nadelco St. Sta. Mesa, ni Noel Fetalvero, Assistant Engineer sa DPWH at isang Alfredo Palajos, laborer ng DPWH na umano’y nakatikim ng bugbog sa nasabing opisyal ng PNP.

Batay sa report na isinumiti ni SPO1 John Cayetano kay P/Sr.Insp. Ramon Meneses, hepe ng MPD-GAIS, naganap ang insidente sa pagitan ng alas 9:30 hanggang 11:00 ng tanghali sa ilalim ng Nagtahan Bridge, habang isinasagawa ang demolition sa mga residente sa nasabing lugar.

Nabatid sa inihaing reklamo ni Fetalvero, matagal na umano silang nagpadala ng mga notice at nakipag-usap sa mga residenteng umu-okupa sa lugar dahil nakatakda na umano itong kumpunihin ng DPWH makaraang masunog noong nakalipas na Hulyo,2012, pero binalewala umano ito ng ilang residente kabilang na si Garcia.

Dahil dito,isinagawa na ang demolisyon sa mga struktura. Naging mapayapa naman ang demolisyon pero pagtapat sa inookupang lugar ni Garcia ay lumapit ito at saka hinatak ang kamay ni Fetalvero, at saka pinilipit at sinabing inaaresto umano niya si Palajos dahil sa illegal na demolisyon.

Naawat lamang ang komosyon nang rumesponde sina SPO3 Alvin Eustaquio, SPO1 Jonathan Rojas at ang iba pang mga tauhan ng MPD-Sta. Mesa Police Station 8, kasama ng demolition team at saka dinala sa MPD-headquarters si Garcia.