Onsehan sa droga, kelot pinasabog ang bungo

Injured Killed
0 1

Date: 25 March 2013
Source: http://www.remate.ph/2013/03/onsehan-sa-droga-kelot-pinasabog-ang-bungo/

 

HINIHINALANG onsehan sa bentahan ng iligal na droga ang motibo hinggil sa pamamaslang sa 36-anyos na lalaki nang pagbabarilin ng hindi nakilalang salarin sa ulo sa kanyang bahay kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.

Dead on the spot si Eduardo Gutierrez, ng Blk 8 Lot 15 Bo. Filipino, Barangay Sto. Niño, Pasay City sanhi ng dalawang tama ng bala sa kanyang ulo.

Sa imbestigasyon ni PO2 Melvin Garcia ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) ng Pasay Police, dakong ala-1 ng madaling-araw nang pasukin ng hindi nakilalang suspek ang bahay ng biktima at walang sabi sabing pinagbabaril ito sa ulo habang nanonood ng telebisyon.

Hinala ng pulisya na may kaugnayan sa iligal na droga ang pamamaslang sa biktima makaraang lumutang ang hindi pinangalanang testigo kung saan itinuro nito na ang biktima ay nagsisilbi umanong drug courier ng isang hinihinalang drug lord sa kanilang lugar na si Raul Duro alyas Ramie Capones na nauna ng dinakip ng pulisya noong Marso 11 sa kanilang lugar sa Sitio Libo, Barangay Sto Nino sa naturang lungsod.

Nang madakip ng pulisya si Duro, inakala ng biktima na posibleng hindi na makalabas ng kulungan ang amo matapos na sampahan ng pulisya ng kasong  paglabag sa R.A 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Pasay City Prosecutors Office.

Gayunman, pinayagang makapaglagak ng piyansa ng piskalya si Duro para sa pansamantala niyang paglaya kaya’t iniuugnay ng testigo ng pulisya na may kinalaman ito sa pagpaslang kay Gutierrez.