NPA napatay sa panibagong engkwentro

Injured Killed
0 1

Date: 06 July 2013
Source: Bombo Radyo

(Update) LEGAZPI CITY – Nakilala na ng tropa ng militar ang napaslang na isang rebelde sa nangyaring bakbakan kanina laban sa mga grupo ng New People’s Army (NPA) sa Barangay Gabao sa lalawigan ng Sorsogon.
 
Kinilala itong si Penky Quentas Boticario mula sa Brgy. Macawayan, Irosin, Sorsogon.
 
Sa ulat na ipinaabot sa Bombo Radyo Legazpi, napag-alaman na bandang alas- 5:50 kaninang umaga nagsimula ang labanan sa pagitan  ng 31st Infantry Battalion Philippine Army sa pangunguna ni Lt. Rory Esico laban sa mahigit 30 mga miyembro ng NPA.
 
Ang katawan ni Quentas ay natagpuan na wala ng buhay na pinaniniwalaang iniwan ng kanyang mga kasamahan sa kasagsagan ng labanan.
 
Ayon kay Lt. Col. Beerjenson N. Aquino, commanding officer ng 31st IB na magpapatuloy ang kanilang hot pursuit operation laban sa mga nakatakas pang mga rebelde.
 
Nitong malipas na Hwebes lamang ay walong mga rebelde rin kasama na ang kanilang mataas na opisyal ang binawian ng buhay matapos ang matinding labanan ng magkabilang panig sa bayan ng Juban, parehong lalawigan.