NPA leader kabilang sa 8 napatay sa Sorsogon encounter – PA

Injured Killed
0 8

Date: 04 July 2013
Source: Bombo Radyo

LEGAZPI CITY – Kinukumpirma pa ngayon ng 903rd Brigade Philippine Army na malaki ang posibilidad na ang isa sa mga napatay na miyembro 

ng rebeldeng New People’s Army (NPA) ay ang kanilang secretary general.

 

Ito ang naging pahayag sa Bombo Radyo Legazpi ni Col. Joselito Kakilala kung saan, pinaniniwalaang ang isa umano sa mga katawan na kanilang nakuha sa bulubunduking bahagi ng Barangay Upper Kalmayon, Juban, Sorsogon ay si Arnel Estiller alyas Ka Arestol na umano’y mataas na opisyal ng Larangan 2 ng Komite provincia at mula naman sa Regional Guerilla Unit sa Bicol.

 

Kaugnay nito, nananatili naman na nasa kustodiya ng lokal na pamahalan at Juban Municipal Police Station ang bangkay ng walong mga NPA habang wala pang mga kaanak ang umaako sa mga bangkay.

 

Una rito walo ang nasawi kasama na ang dalawang amasona sa nangyaring enkwentro kaninang umaga kung saan narekober din sa lugar ang ilang mataas na kalibre ng baril at mga pampasabog.