Injured | Killed |
---|---|
0 | 1 |
Date: 30 November 2013
Source: Journal Online
Isang negosyante na pinaniniwalaang pinatay sa saksak ng kanyang empleyado ang natagpuan sa loob ng kanyang kuwarto sa Quezon City kamakalawa ng gabi.
Ayon kay PO2 Hermogenes Capili ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, ang biktima na kinilalang si Rodolfo Siozon, 54, ay natagpuan na lamang walang buhay sa loob ng kanyang kuwarto dakong alas-6:15 ng gabi.
Ang itinuturing na suspect na si Cristenel Gallego, 24, delivery boy na nanunuluyan sa shop ng biktima, ay pinaghahanap na ng awtoridad matapos tumakas sakay ng motorsiklo ng biktima.
Bukod anya sa pagpatay, tinangay pa ng suspek ang pera ng biktima, subalit inaalam pa nila kung magkano ang halaga nito.
Sa pagsisiyasat ni Capili, huling nakitang buhay ang biktima na kausap ang suspek sa kanilang shop sa 209 Pecamana St., Bgy. Commonwealth, alas-9 ng umaga.
Sinasabing ang biktima ay natagpuan ng isang Adrian Orgeno, delivery boy, matapos na mapuna ang mga bakas ng dugo sa sahig ng kanilang tanggapan.
Dahil dito, agad na ipinagbigay alam ni Orgeno ang nakita sa kapitbahay saka ipinaalam sa pulisya.
Kasama ang otoridad, puwersahang binuksan ni Orgeno ang kuwarto ng biktima kung saan nila nakita itong wala nang buhay at nakahandusay habang naliligo sa sariling dugo.
Dagdag ni Capili, narekober nila sa lugar ang isang kitchen knife na maaaring ginamit sa pananaksak sa biktima.
Maaari din anyang nanlaban ang biktima dahil sa may mga defense wound na nakita mula sa kanyang kanang daliri.
May mga saksak din umano ang biktima sa leeg hanggang ulo at mukha, gayundin ang dalawang saksak sa likod.
Sa kasalukuyan, pa-tuloy ang imbestigasyon ni Capili sa naturang insidente.