Injured | Killed |
---|---|
0 | 1 |
Date: 26 January 2013
Source: Remate.ph by Rene Crisostomo Jan 26, 2013 2:43pm HKT
DALAWANG tama ng bala mula sa kailbre 45 baril ang tinamo ng isang 39 anyos na negosyante sa harapan ng kanyang bahay sa Malate, Manila, kamakalawa ng gabi.
Dead on the spot ang biktimang nakilalang si Franco Banoc Y Lucero, may asawa ; tubong Baybay, Leyte at residente ng 1725 Agoncillo St., Malate.
Samantala, mabilis na tumakas ang suspek nang habulin ito ng taong bayan at iwan ang itim na bag na naglalaman ng ginamit na baril, sando at mga iba’t ibang klaseng gamot. Inilarawan ang suspect na nasa edad 30 hanggang 35 anyos, may taas na 5’9 hanggang 5’10, maputi ang kulay ng balat.
Batay sa ulat na isinumiti ni Det. Crispin Ocampo kay P/Sr. Insp. Ismael dela Cruz, hepe ng Manila Police District-Crime Against Persons Investigation Section, dakong 9:45 ng gabi nang maganap ang krimen sa harapan ng bahay ng biktima.
Nabatid sa report, abala umano sa negosyong “pares” at LPG gas si Banoc, nang sumulpot ang suspek saka ito pinagbabaril sa mukha.
Matapos humandusay ang biktima, namataan ng isang residente sa lugar ang mga pangyayari kaya nagkaroon ng mainitang habulan.
Nagpaputok muli ang tumatakbong suspek, pero pilit itong hinabol, hanggang sa ihagis ang bitbit na bag, saka ito parang naglaho sa dilim at tuluyan na itong nakatakas.
Naglalaman ng baril na ginamit sa krimen ang kulay itim na bag, at isinurender ito sa nakakasakop na barangay na si Chairwoman Arlene Divinagracia ng Brgy.626, Zone 96 bago ito isinuko sa pulisya.
Gayunman, binubusisi pa ng mga awtoridad kung ano ang motibo ng pamamaslang, habang patuloy itong iniimbestigahan at hinalang “hired killer” ang nagsosolong suspek.