Nasa 6 sundalo na patay; 6 Cafgu missing sa encounter vs NPA sa Misamis Oriental

Injured Killed
6 6

Date: 30 September 2013
Source: Bombo Radyo

Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Nadagdagan pa sa anim na mga sundalo ang nasawi, habang umaabot naman sa apat na kasapi ng Citizen Armed Force Geographical Unit (Cafgu) ang sugatan sa nagyaring engkwnetro sa Sitio Lantad, Barangay Kibanban sa bayan ng Balingasag, Misamis Oriental.
 
Ito ay batay sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Cagayan de Oro mula sa military intelligence branch sa rehiyon.
 
Subalit ang tanging kinumpirma lamang ng militar ay umaabot lamang sa lima ang nalagas mula sa kanilang hanay.
 
Maliban dito, umaabot na rin sa anim na miyembro ng Cafgu ang dinukot ng mga patakas na rebelde na pinaniwalaang ginawa nilang “human shield.”
 
Sa panayam ng Bombo Radyo Cagayan de Oro, inihayag ni 4th ID spokesperson Capt Christian Uy na kabilang umano sa namatay nilang kasamahan ay Army Sgt Dante Laong at Cafgu members Junel Tandayon, Miguel Lugar, Lee Sagiway at Maui Bacus na pawang  naka-detail sa 23rd IB.
 
Una nang iginiit ni Uy na umaabot umano sa 50 hanggang 60 mga kaaway ang lumusob sa detachment nila nitong nakaraang araw na naging dahilan upang hindi makaya ng 15 lamang nilang mga kasamahan na kabilang ang  13 pang Cafgu members.
 
Sinabi ni Uy na mayroon ding tinamaan mula sa panig ng mga rebelde subalit wala silang nadatnang mga bangkay at pinaniwalaang sapilitang dinala patakas sa lugar.
 
Samantalang inamin naman mula nang nagpakilalang Communist Party Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) North Central Mindanao spokesperson na isang George Madlos o alyas Ka Oris na nakuha raw  nila ang umaabot sa 16 na high powered rifles mula sa army patrol base.
 
Iginiit pa nang nagngangalang Ka Oris na ginawa umano ng Committee Front 4-B ng NPA ang pag-atake sa patrol base dahil sa pang-aabuso ng militar.
 
Pero agad pinabulaanan ni Capt. Uy ang akusasyon ng naturang Ka Oris dahil pakay lamang umano ng mga rebelde na isabotahe ang program ng gobyerno upang muling makabalik sa kilusan ang mga residente.
 
Sa ngayon, muling nabawi ng militar ang army detachment matapos bumuhos ang karagdagang puwersa na ipinadala sa lugar.
 
Napag-alaman na ang Sitio Lantad ay dating stronghold ng mga NPA simula pa dekada ’70 hanggang dekada ’90.
 
Noong taong 2006 lamang tuluyang napasok ng gobyerno lokal at binigyan ng mga proyektong imprastraktura ang kabuhayan ang mga residente roon.