Nainitan binaril sa ulo

Injured Killed
1 0

Date: 21 April 2013
Source: http://www.abante-tonite.com/issue/apr2113/crime_story01.htm

 

Matinding init ng panahon ang dahilan kung kaya’t naisipan ng isang tubero na magpahangin sandali sa ibabaw ng tulay sa kanilang lugar subalit ito rin naging mitsa ng kanyang kapahamakan matapos barilin sa ulo ng hindi pa nakikilalang suspek kamakalawa ng gabi sa Pasay City.

Agaw-buhay na isinugod sa Pasay City Genera­l Hospital dahil sa isang tama ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa likurang bahagi ng kanyang ulo ang biktima na kinilalang si Richard Paragas, 39, may asawa, at nakatira sa No. 665 Protacio Street ng nasabing lungsod.

Base sa imbestigas­yon ni SPO2 Roy Ra­mos ng Station Investigation and Detective Management Section ng Pasay City Police, naganap ang pamamaril dakong alas-8:23 ng gabi habang nagpapahangin ang biktima sa ibabaw ng tulay na sakop ng Protacio Street.

Lumalabas sa pagsisiyasat na kauuwi pa lang umano ng biktima ga­ling sa trabaho at dahil sa maalinsangan ang panahon kung kaya’t naisipan nitong umakyat sa ibabaw ng tulay upang doon pansamantalang magpahangin.

Habang nagpapahangin ang biktima bigla naman sumulpot ang suspek at binaril siya sa ulo.
Blangko pa ang imbestigasyon ng pulisya kung sino ang bumaril sa biktima dahil maging ang asawa nito ay hindi umano alam kung sino ang may kagagawan.

Dagdag pa ng misis ng biktima na si Chona na wala naman siyang alam na may nakaaway ang kanyang mister dahil tahimik na tao lang umano ito.