Injured | Killed |
---|---|
1 | 0 |
Date: 09 February 2013
Source: Bombo Radyo
ZAMBOANGA CITY – Naka-confine ngayon sa Zamboanga City Medical Center (ZCMC) ang isang hinihinalang miyembro ng armadong grupo matapos barilin ng kanyang kasamahan din sa bayan ng Tungawan, Zamboanga Sinugay province. Nagtamo ng isang tama ng bala sa tiyan si Joseph Bucoy, 34-anyos, na sinasabing miyembro ng isang armadong grupo na nag-o-operate sa nasabing lalawigan. Batay sa report ng Tungawan municipal police station, nakatanggap sila ng impormasyon tungkol sa isang insidente ng pamamaril na nangyari sa nasabing lugar. Nang rumisponde ang mga pulis sa lugar ng insidente ay saka nalaman na isa palang miyembro ng armadong grupo ang naging biktima ng pamamaril ng kanyang kapwa kasamahan. Dahil sa sugatan ay wala na ring nagawa si Bucoy at boluntaryo itong sumuko sa mga otoridad. Umaga kanina nang dumating sa Zamboanga City ang sugatang suspek kasama ang ilang miyembro ng Tungawan municipal police station. Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na nagkaroon umano ng hindi pagkakaunawaan si Bucoy at ang kasamahan nito na nag-ugat sa pamammaril. Napag-alaman na si Bucoy ang nahaharap sa mga kaso ng murder sa pagkakasangkot ng kanilang grupo sa ilang insidente ng pamamaril sa nasabing lugar kung saan nag-o-operate ang kanilang grupo. Sa ngayon ay bantay sarado ang sugatan suspek habang patuloy na nilalapatan ng lunas sa nasabing ospital. Sinasabing diretso sa kulungan ito sa oras na puwede na siyang mailabas sa ospital. (MRDS)