Misis pinalakol ni mister

Injured Killed
0 1

Date: 03 December 2013
Source: Journal Online

SAN PABLO CITY — Biyak ang noo ng isang ginang matapos palakulin ng kanyang mister na umano’y sinapian ng masamang ispiritu habang ang mag-asawa ay nasa loob ng kanilang dampa sa Bgy. Sta Elena, lungsod na ito Miyerkules ng gabi.

Kinilala ni Police Supt. Erickson Dilag, hepe ng San Pablo Police, ang biktima na si Enia Azor, 47, residente sa nasabing barangay.

Biyak ang noo bukod sa may indikasyon ng mga kalmot sa leeg ang biktima nang matagpuan habang nakabantay ang mister na kinilalang si Armando Azor, magsasaka, nasa hustong gulang.

Ang biktima ay halos ilang oras nang patay bago naisugod sa pagamutan kamakalawa dakong 10 ng umaga habang binabantayan ni Armando sa pag-aakalang ito ay mahimbing lamang na natutulog  ng ito ay madatnan ng kanyang anak sa kubo.

Sa ipinadalang ulat ni P/Supt. Dilag kay Laguna provincial director P/SSupt. Pascual Muñoz Jr., agad naaresto ang suspect na kasalukuyang nakapiit sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa lungsod na posibleng sampahan ng kasong parricide.

Nang ipasok na sa kulungan ang suspect, ayon sa pulisya ay agad nanampal sa ilang preso na kanyang nadatnan sa loob habang tumatawa.

Sinabi ng suspect na ang pangyayari ay isang aksidente dahil sa bumagok sa malaking tipak na bato ang noo ng kanyang misis dahil sa nadulas sanhi ng malakas na ulan.

Bago ang pangyayari, ayon sa ilang mga nakakakilala sa suspect, may history na umano ito ng pag-iiba ng ugali kaya madalas isama ng kanyang misis sa isang albularyo sa Tiaong, Quezon.

Subalit kamakalawa nang muling magtungo ang mag-asawa sa albularyo sa nasabing bayan ay hindi nila ito nadatnan kaya’t bigong bumalik ang mag-asawa.

Isinalaysay pa ng ilang kapitbahay na sumapit umano ang gabi ay biglang lumabas ang suspect patungo sa gitna ng niyugan.

Dito ay sinundan ng asawa upang yakagin sa loob ang mister na posibleng ikinagalit nito hanggang sa madulas at humantong sa pagbagsak sa malaking tipak na bato na nasa harapan ng kanilang tirahan.

Nakatakda namang isailalim sa medical examination ang suspect kung ito ay nasa matinong pag-iisip, ayon sa pulisya.