Injured | Killed |
---|---|
1 | 0 |
Date: 05 May 2013
Source: Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines – Isang 26-anyos na seperada ang hinoldap at ginahasa mismo sa harapan ng kanyang boyfriend ng dalawa sa anim na holdaper sa Caloocan City kahapon.
Nakakulong ngayon ang apat sa anim na suspect na nakilalang sina Charlie Prieto, 20; Anthony Fernando, 25; John Leo Fajela, 17; at Oscar Vertera, 23, pawang taga-Phase 10, Bagong Silang ng naturang lungsod habang hinahanting pa ang dalawang hindi pa kilalang kasama ng mga ito.
Ang biktima ay itinago sa pangalang Mina, taga-Brgy. Muzon, San Jose Del Monte, Bulacan.
Sa pahayag ng biktima sa Caloocan City Police, naganap ang insidente alas-2:30 ng madaling-araw habang siya at ang kanyang nobyo ay naglalakad sa Phase 10, Bagong Silang ng naturang lungsod nang harangin sila nina Prieto at Fernando at tutukan ng patalim.
Dinala ang magnobyo sa bakanteng lote sa nasabing lugar kung saan naghihintay pa ang apat na suspect bago nilimas ang mga gamit at pera ng magkasintahan.
Hindi pa nakuntento, dalawa sa mga suspect ang nagkakursunada sa babae at hindi nakatiis ay halinhinang hinalay habang ang ibang suspect ay tinutukan ang lalaki upang hindi makapiyok habang ginagahasa sa harapan niya ang nobya.
Nang makakuha ng tiyempo ang lalaki ay nagawang makapiglas at nagtatakbo bago mabilis na nakahingi ng tulong sa mga pulis.
Agad na binalikan ang bakanteng lote ng lalaki at ng mga pulis hanggang sa maabutan ang apat at kaagad na dinakip ang mga ito habang nakatakas ang dalawa pa.