Injured | Killed |
---|---|
0 | 1 |
Date: 03 June 2013
Source: Pilipino Star Ngayon
TUGUEGARAO CITY, Philippines – Iniimbestigahan ngayon ng mga awtoridad ang posibleng anggulo ng foul play sa pamamaril at pagkakapatay sa isang misis na asawa ng isang retiradong sundalo sa harapan ng kampo ng militar sa Brgy. Upi, Gamu , Isabela kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang nasawing ginang na si Anita Lucero, 49-anyos, nagtamo ng mga tama ng bala ng cal 9 MM sa katawan na siyang kumitil sa buhay nito.
Ayon kay Sr. Insp. Noel Pattalittan, hepe ng Gamu Police, iniulat ni retired Army Sergeant Lito Lucero na isang hindi nakilalang maskaradong gunman umano ang nanambang sa kanila ng kanilang misis habang naglalakad silang mag-asawa sa harapan ng Army’s 5th Infantry Division (ID) sa nasabing lugar bandang alas -12:15 ng madaling-araw.
Sinabi ni Lucero na pinaputukan umano ng salarin ng makailang ulit ang kaniyang misis habang sinuwerte naman siyang hindi tinamaan ng bala. Ayon dito, idineklarang dead-on-arrival ang kaniyang misis sa kabisera ng Ilagan City.
Gayunman, sinabi ni Pattalittan sa PSN na tumangging sumailalim si Lucero sa paraffin test at tinutulan pa ang Scene of the Crime Operative (SOCO) team sa pagsasagawa ng awtopsiya sa bangkay ng kanyang misis.
Sinabi ni Pattalittan na nabatid nila sa mga kapitbahay na madalas mag-away ang mag asawa sanhi ng seloso si Lucero bago naganap na insidente.
Narekober rin sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal 9 MM.