Injured | Killed |
---|---|
0 | 1 |
Date: 11 August 2013
Source: Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines – Binaril at napatay ang isang truck driver ng isang naasar na motorista makaraang magsanhi ng matinding trapik ang tumirik na sasakyan ng una sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Dead-on-the-spot sanhi ng mga tama ng bala sa katawan ang biktimang si Charlie Gorope, 42, ng Gaya-gaya, San Jose Del Monte, Bulacan.
Pinaghahanap naman ng mga pulis ang driver ng Mitsubishi Adventure na may plakang TEI-531 na tumakas at iniwan nito ang minamanehong nasabing sasakyan.
Base sa ulat ng Caloocan City Police, naganap ang insidente dakong alas-6:30 ng gabi sa Phase 12 Construction Supply, ID Road, Tala ng naturang lungsod.
Nabatid na nagmamaniobra ang biktima sa minamaneho nitong trailer truck upang makapasok sa gate ng naturang establisimento, subalit pumalya ang makina nito, dahilan upang tumirik ang naturang trailer at humambalang sa kalsada na naging sanhi ng pagsisikip ng daloy ng trapiko.
Naasar umano ang suspect na ang sasakyan ay kasunod ng tumirik na truck. Armado ng baril, nilapitan nito ang biktima at walang sabi-sabi itong binaril na naging sanhi ng kamatayan ng huli. Dahil hindi rin makakaalis dahil sa trapik kung kaya’t iniwan na nito ang sasakyan at dali-daling tumakas. Masusing iniimbestigahan ng pulisya ang naturang insidente.