Mga otoridad umaasa na makatulong ang CCTV vs holdaper sa attempted rape sa dalaga

Injured Killed
1 0

Date: 30 September 2013
Source: Bombo Radyo

(Update) NAGA CITY – Umaasa ngayon ang otoridad sa lungsod ng Naga na may makukuha silang mahalagang impormasyon sa CCTV sa Panganiban Drive kung saan naholdap at tinangkang gahasain ang isang dalaga kagabi.
 
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay SPO2 Randy Solano, tagapagsalita ng Naga City Police Office, sinabi nito na nangangalap na sila ng impormasyon para sa pagkakakilanlan ng suspek.
 
Batay umano kasi sa pahayag ng biktimang si Queen Berly Scelario, hindi niya naaninag ang mukha ng suspek matapos siyang hilahin sa madilim na bahagi sa nasabing lugar.
 
Napag-alaman na naglalakad ang biktima papauwi sa kanila ngunit pagdating na mismo sa may tapat ng kanilang bahay ay bigla na lang lumabas sa kanyang likuran ang suspek. 
 
Tinakpan nito ang kanyang bibig at biglang hinila at doon nagdeklara ng hold-up kung saan nakuha sa kanyang ang cellphone.
 
Matapos na makuha ang kanyang gamit pinasandal siya nito sa pader ng kanilang bahay at hinawakan ang maseselang bahagi ng kanyang katawan.
 
Dahil dito, sumigaw ang biktima na siyang nagtulak naman sa suspek para siya ay saksakin sa kaliwang bahagi ng kanyang tiyan at braso.
 
Sa ngayon, patuloy pang binabantayan ang kalagayan ng biktima na nakakaranas ng sobrang takot.