Mga NPA pinasok ang bahay ng negosyante sa Cagayan

Injured Killed
0 0

Date: 28 April 2013
Source: Bombo Radyo

TUGUEGARAO CITY, Cagayan – Pinasok ng umaabot sa 40 armadong grupo ng kalalakihan kasama ang apat na amasona na kinikilalang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang bahay ng isang negosyante sa bayan ng Baggao Cagayan.

Ang may-ari ng bahay ay kinilala ng mga otoridad na si Abraham Aurelio, 71, isang negosyante at residente ng Brgy. Imurung ng nasabing bayan.

Sa imbestigasyon ng PNP Baggao, lumalabas na abalang nagpapatuyo ng mais ang biktima kasama ang kanyang kasambahay nang biglang dumating ang grupo ng kalalakihan na nagpakilalang sila ay miyembro ng NPA.

Sinabihan umano ang biktima na huminahon sila sabay kuha sa kanilang gamit na cellular phone.

Inutusan ng umano’y mga NPA si Aurelio na ilabas at ibigay sa kanila ang kanyang itinatagong baril subalit tumanggi ito.

Dahil dito, pinasok at hinalughog ng mga rebelde ang bahay ng negosyante at kinuha ang nakita nilang lisensyadong baril na M16 baby armalite, magazine at bala na nakatago sa ground floor ng tahanan ng biktima.

Tinanong pa umano ng mga rebelde kung ang biktima ay nagpapautang ng pera at kaagad naman nitong inamin sa kanila.

Matapos nito ay nagpahatid pa ang mga miyembro ng NPA sa biktima gamit ang kanyang 6X6 na sasakyan sa Brgy Bitag, Pequenio ng nasabing bayan.

Bago nilisan ang lugar ay nagiwan naman ang mga rebelde ng mga pahayagan na may official seal na bayan, mga supersibong dokumento at 30 propagandang leaflets na may nakaimprentang “Siray.”

Bukod dito iniwan naman ang kanilang kinuhang cellphone na pagmamay-ari ng biktima sa isang tindahan sa hindi kalayuan ng bahay ng negosyante.

Samantala nakilala ang dalawa sa apat na amasona sa pangalang Cristina Garcia, alyas Senyang, Nengneng, Revo at Bernado Pardia Jr. O alyas Bong.