Mga guro at estudyante naipit sa laban ng gov’t troops at BIFF sa North Cotabato

Injured Killed
0 0

Date: 30 September 2013
Source: Bombo Radyo

(Update) KIDAPAWAN CITY – Ilang mga guro at estudyante ng Malingao Elementary School sa Brgy Malingao, Midsayap, North Cotabato ang hinostage umano ng tinatayang 150 mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) simula pa kaninang umaga.
 
Sa panayam ng Bombo Radyo Col. Dickson Hermoso, spokesman ng 6th Infantry Division spokesman, pasado alas-2:00 kaninang madaling araw nang inatake ng mga rebelde ang isang CVO outpost sa Barangay Rangeban pero nagresponde ang mga tropa ng pamahalaan.
 
Sa pag-atras umano ng BIFF dakong alas-8:00 ng umaga sa Barangay Tugal ay nadaanan nila ang ilang mga sibilyan na ginawang hostage kasama na ang ilang mga guro at estudyante.
 
Nagkagulo naman sa mga paaralan sa bayan ng Midsayap dahil nataranta ang mga guro at estudyante sa nangyaring pangho-hostage ng mga rebelde.
 
Dahil sa pangyayari pinauwi ang mga mag-aaral sa Midsayap Pilot Elementary School dahil pangamba na posibleng maging target din silang salakayin ng mga rebelde.
 
Dumating naman ang karagdagang pwersa ng militar at pulisya sa bayan ng Midsayap.
 
Isa namang mister ng isa sa mga guro na pinipigil ang naglabas ng sama ng loob sa Bombo Radyo kung bakit may intelligence report na nitong nakaraang araw ay hindi pa naghigpit ng husto ang mga otoridad at napigilan sana ang naturang pangyayari.
 
Samantala, nilinaw naman ni P/Supt. Reinante delos Santos, hepe ng Midsayaf PNP, walang hostage taking na nangyayari kundi naipit lamang ang mga sibilyan.
 
Hanggang kaninang matapos ang tanghalian ay patuloy pa rin ang palitan ng putok.
 
Iniulat ni Bombo Garry Fuerzas mula sa encounter site, gumamit na rin ang militar ng 105 howitzer cannon upang bombahin ang posisyon ng BIFF rebels.
 
Habang nagre-report ito ay dinig na dinig sa background ang malakas na putok.