Magsasaka patay, 1 pa kritikal sa pamamaril sa Zamboanga Sur

Injured Killed
1 1

Date: 04 December 2013
Source: Bombo Radyo

ZAMBOANGA CITY – Kaagad binawian ng buhay ang isang magsasaka habang nasa kritikal na kalagayan naman ang isa pang kasamahan nito nang barilin ng hindi nakilalang salarin habang nakasakay sa isang motorsiklo sa highway ng Purok 4, Barangay Bagong Oroquita, Guipos Zamboanga del Sur.

Sa report ng Police Regional Office (PRO-9), dead on the spot ang 55-anyos na magsasaka na si Rodolfo Sarmiento Chavez na nagtamo ng maraming tama ng bala sa ulo at katawan.

Nakaligtas naman sa pamamaril ang anak nitong si Ronald Sarmiento na siyang nagmamaneho ng motorsiklo.

Habang ang isa pang sugatan na si Rolando Remorosa ay nananatili ngayon sa isang ospital sa lalawigan.

 

Napag-alaman ng pulisya mula sa nakaligtas na dalawang lalaki na nakasakay sa isa pang motorsiklo na walang plate number ang bigla na lamang silang pinagbabaril.

Nahulog sa motorsiklo ang kanyang namatay na ama matapos tamaan ng bala.

Pinabilis nito ang takbo ng motorsiklo subalit hinabol pa sila ng mga suspek at patuloy na binabaril kaya tinamaan ang isa pa niyang back rider.

Blangko pa ang otoridad kung ano ang motibo sa pamamaril ng mga suspek. (MRDS)