Magpinsan niratrat sa sayawan

Injured Killed
1 1

Date: 30 May 2013
Source: Pilipino Star Ngayon

QUEZON, Philippines – Nauwi sa trahedya ang pakikipagsayawan ng magpinsan matapos na ratratin ng riding-in-tandem kung saan napatay ang isa kamakalawa ng madaling-araw sa Sitio Blue Diamond, Barangay San Andres, sa bayan ng Candelaria, Quezon. Napuruhan sa batok at isa sa likurang bahagi ng ulo ang tumapos sa buhay ni Geronimo Umali, 18 habang tinamaan naman sa balikat ang kanyang pinsan na si Raymund Arhat, 18, kapwa nakatira sa nabanggit na barangay. Papasakay na sa motorsiklo ang magpinsan upang umuwi matapos na dumalo sa sayawan nang sigawan ng isa sa grupo ng kalalakihan. Tinangkang bumaba sa motorsiklo ang magpinsan subalit umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril. May hinala ang pulisya na napagtripan ang mga biktima ng grupo ng kalalakihan na lango sa alak at droga na dumalo rin sa sayawan.