Mag-ina kinatay ng akyat-bahay

Injured Killed
0 2

Date: 27 September 2013
Source: Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines – Brutal na kamatayan ang sinapit ng mag-ina sa kamay ng Akyat-Bahay Gang ma­tapos itong pagtatagain sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Tigayon, bayan ng Kalibo, Aklan kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ng Kalibo PNP na nakarating sa Camp Crame, ang bangkay ng mag-inang Emily Ruzgal, 45; at John Carlo Ruzgal, 16, ay nadiskubre kahapon bandang alas-7  ng umaga matapos na magtungo sa bahay ng mga ito ang isa nilang kamag-anak.

Ayon sa pulisya, ang bangkay ng nanay ay natagpuan sa stock room na may tama ng taga sa ulo habang nakabalot pa ng duguang kumot sa kama matapos na hatawin ng matigas na bagay ang binatilyo.

Samantala, winasak pa ng mga kawatan ang kawayang bakod sa likuran at sa main door ng bungalow-type na bahay ng mag-ina.

Nagkalat din ang mga gamit ng mag-ina na pala­tandaang naghalughog ang mga kawatan saka tumakas tangay ang hindi pa madeterminang halaga ng pera, alahas at iba pang mahahalagang kaga­mitan. Nabatid na si Emily ay negos­yante habang  ang mister at panganay­ nitong anak ay seaman.